Katha ni: Adrian Diente Pantonial

(ng masaya, makabuluhan at makasaysayan-kung gusto mo pa)

…sakaling nalimutan mo na…

1. Sikapin mong gumising maaga para makita mo ang sikat ng araw na nagbibigay pag-asa.

2. Sa’yong paghahanda papasok sa trabaho, magpasalamat ka sa mga biyayang natanggap mo para maisip mong hindi pa ganun ka-desperado ang buhay mo.

3. Habang nasa byahe, tingnan ang mga taong abot ng iyong tanaw, di mawari kung saan sila papunta pero lahat sila ay may patutunguhan. Hanapin mo ang landas na para sa’yo at wag nang maki-gaya sa pagmamadali sa pupuntahan nila lalo na’t di naman yun ang dapat mong patunguhan. Lahat tayo ay may kani-kanyang destinasyon at bokasyon.

4. Magtrabaho ka ng di lang gamit ang buong lakas kundi ng ‘yong kahusayan at puso. Mas maigi ang may pinagkaka-abalahan kaysa tumambay maghapon. I-todo-bigay ang iyong makakaya dahil di mo naman alam kung gaano ka katagal o kadali mananatili doon kaya’t mahalagang gamitin mo ng wasto ang oras mo kasama ng iyong mga ka-trabaho para sana’y sa magagandang pinagsamahan at makabuluhang kontribusyon ka nila maalala pagdating ng panahon.

5. Maging magiliw ka sana-ngunit maingat din sa pakikitungo sa kapwa-dahil minsan hindi mo alam kung sino sa kanila ang magiging tunay mong kaibigan, katunggali o matinik na kaaway kalaunan. Tandaan mong madalas, aalalahanin ka nila sa klase ng impluwensyang nagawa mo sa kanila.

6. Umibig ka ng buong puso, pati bukong-bukong isama mo na kung gusto mo, pero sana gamitin mo rin ang utak mo para hindi ka abutang parang halos wala nang natira sa buong pagkatao mo pag iniwan ka ng kinababaliwan mo. Hindi mo maiiwasang isipin na ginamit ka lang niya (at nagpa-gamit ka naman) kung hindi mo gagamitin ‘yang kokote na mas mataas pa sa puso mo ang kinalalagyan.

7. Pag-uwi mo sa bahay, sana maibahagi mo sa pamilya mo (kung meron ka nito) ang mga importanteng nangyari sa’yo ngayon. Ang mga kwento ay bumubuo ng ugnayan at ang matitibay na ugnayan, sanhi ng malaya at bigayang komunikasyon, ang nagpapanatili ng pamilya. Hanggat maaari, maglaan ka ng kahit man lang isang libreng araw para sa kanila. Alalahanin mong sila ang kasama mo sa hirap at ginhawa. Sa pamilya rin nahuhubog ang mga produktibo o mga salot ng lipunan kaya sana’y maging mapagmahal at mapag-kalinga ka sa kanila hanggang sa’yong huling hininga.

8. Bago ka matulog, magpasalamat ka sa Diyos na nagpahiram sa’yo ng isa pang makabuluhang araw. Isantabi muna ang mga alalahanin at pighati dahil may bukas pa naman para harapin yan. Baka bangungutin ka pa, sige ka.

9. Patuloy ka lang sa paglaban sa buhay. Patuloy ka lang patungo sa’yong mga pangarap. Darating ka rin dun. Ikaw pa?

10. …sakaling nalimutan mo na…Alalahanin mong lagi, andito lang ako.

Mabuhay ka!

Advertisements

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s