Naghu-humiyaw na naman ang aking mga pangangailangan. 

May kinalaman ba dito ang a.) patuloy na pananalanta ng ulan b.) pagyakap ng malamig na hangin c.) pagkagat ng gabi sa mga taong tulad ko ay di pa rin nararating ang destinasyon? d.) All of the above at e.) None of the above.

beggar3

Mayroon mang isang dahilan sa mga nabanggit sa taas, hindi ko mawari kung ganun ba kahalagang malaman agad ngayon ang sagot o mas mahalaga ba ang aking mga pangangailangan kaysa sa kasagutang hinahanap ko.

Hangad kong gawing simple ang mga bagay sa buhay ko pero tila nalulunod na ako sa sarili kong kalituhan. Dahil ba sa alam ko na ang kasagutan ngunit ini-isantabi ko lang ito? O dahil naaaliw ako sa pagtuklas ng mga bagong dimensyon ng kaalaman at karanasan sa proseso ng aking pagsasaliksik sa sagot?

Aanhin ko ba ang destinasyon kung hindi ko naman nae-enjoy ang paglalakbay, ang kasalukuyan, gaano man ito kalabo o ka-kumplikado?

Nagwawala ang mga katanungan sa isipan ko kahit na sa puso ko tila alam ko na ang katugunan. Pero ang mga pangangailangan ko lang ba talaga ang pinaka-mahalaga sa kabuuan ng buhay ko? Sa pagkaka-alam ko kasi, hindi lang dapat sa paghahanap ng katugunan sa aking mga pangangailangan umiikot ang mundo ko.

Kabilang Mukha ng Pangangailangan

Nung isang lingo, habang papauwi mula sa trabaho, sa gitna ng labu-labong alalahanin at emosyon, tinugon ko ang tawag ng pangangailangan ng aking tiyan. Kumain ako sa lumang food court ng Sta. Lucia Mall. Nung papatapos na akong kumain, napansin ko ang isang matandang babae na parang nangangalung-mata na sa gutom (may edad na 60-70).

May dala syang dalawang plastic bag. Ang isa’y mukhang may lamang mga personal na gamit at ang isa nama’y mga supot na may laman.

Sinundan ko sya ng tingin at napansin kong humingi sya ng plastic dun sa isang food stall. Tapos nakita ko syang lumapit sa bakanteng mesa sa likod ko, nangunguha ng mga tirang pagkain. Yun pala ang laman ng kanyang isa pang plastic bag, mga tirang pagkain para yata sa kanyang uuwiang pamilya.

Hindi ko na inubos pa ang dalawang ulam ko dahil alam kong mapapansin nya akong tatayo na, kukunin nya iyon para maisilid sa plastic nya. Dahil nagmamadali rin akong umuwi at patuloy na nababagbag sa dibdib, hindi ko na nilingon pa ang kaawa-awang matanda.

Pagsakay ko sa dyip, pinipigilan ko ang pagpatak ng luha ko dahil magmu-mukha akong ewan dun. Pero naiwan ang puso’t isipan ko sa food court. Dapat hindi muna ako umalis. Dapat nilibre ko syang kumain kaming dalawa at makapag-pasalubong man lang sya ng matinong pagkain sa kanyang pamilya.

Sa isip ko, anong klaseng anak meron ang matandang yun? Hindi ba nila sya sinusustentuhan? O baka naman nangunguha pa sya ng ulam para sa mga apo nya?

Pagdating ko sa bahay, umiiyak akong kinwento ang nasaksihan ko sa Nanay ko at kapatid kong babae. Nakikipaglaban ang garalgal kong boses sa eksena at ingay ng TV. Sabi ko sa kanila: “Pasalamat tayo sa kung ano’ng meron tayo kasi yung ibang tao, gaya nung matandang babaeng nakita ko, sobrang hirap pa ang kalagayan kaysa sa’tin.”

Mas matindi ang pangangailangan ng aleng iyon kaysa sa mga pangangailangan ko. Naalala ko tuloy yung matagal ko nang dasal sa Diyos na lubusang payamanin Niya ako para higit na makatulong din ako sa iba.

Tugon sa Tawag ng Pangangailangan

Ngayon, sa tuwing nag-ngangalit sa diwa ko ang mga pangangailangan ko, binabalikan ko sa isipan ko ang tagpong iyon na muling pumupukaw ng isang mas masidhi pang pangangailangan: ang maging tugon, o kahit maging instrumento man lang, sa tawag ng pangangailangan ng iba.

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s