Kabilang ako sa mga batang may makulay na kamusmusan – pero ang kulay nito ay walang panama sa tila bahag-haring kulay ng buhay ni Inay.

Mga Aral Mula Kay Tatay

Tandang-tanda ko pa nung bata pa ako, inutusan ako ng yumao kong ama na bumili ng floormat sa Masinag Market. Tantya ko nasa elementary Grade 6 pa lang yata ako nun. Tinuruan nya ako kung paano tumawad sa tindera at kung ilang metro ang bibilhin. Hirap kong sinakay ang floormat na iyon sa pampasaherong dyip. Medyo awkward ang pakiramdam ko nun kasi sa isip ko, bata pa ako kaya dapat sila ni Nanay ang gumawa nun.

Maraming bagay ang tinuro sa’kin ni Tatay. Kasama doon ang paghuhugas ng plato (na pinaka-ayaw ko nun), paglu-luto at pamamalengke ng ulam (especialty ko yung mga ginisa—halos kahit ano basta gisado), paglalaba (hanggang ngayon ako pa rin naglalaba ng mga damit ko), paglilinis ng bahay (mga kapatid ko na ang gumagawa nito ngayon dahil nagta-trabaho ako most of the time) at iba pang gawaing bahay na tila ngayon ko lang mas lalo pang naa-a-appreciate kasi ako naman ang nagtuturo nito sa bunsong kapatid kong babae, si Aniecar. Mahirap pala magturo sa taong napipilitan lang—nakakahiya mang aminin pero ganun ang ugali ko kay Tatay nung bata pa ko.

Ang Masalimuot na Mundo ni Inay

Nung mawala si Tatay, wala pang isang taon, umalis din si Inay at nagkaroon ng temporaryong pangalawang pamilya. Sa gulo na napasukan nya, na-eskandalo ang pamilya namin at maraming kapit-bahay at kamag-anak na nakaalam at naki-sali sa isyung nito. Marami ring sumama ang loob sa kanya, kabilang na kaming magkakapatid noon. 

Ilang beses din kasi namin syang sinubukang agawin sa lalaking napangasawa nya pero sa kahuli-hulihan, bumabalik pa rin sya doon kahit na sinasaktan sya nito sa tuwing nala-lasing. Umabot nga sa puntong halos patayin na sya nito–na naging dahilan ng pagde-demanda namin sa lalaking iyon. Sa di malamang dahilan, namatay yung lalaki sa kung anong karamdaman habang nakakulong.

Para sa’kin, hustisya ito ng Diyos para sa amin dahil pinahirapan nya lang lalo ang Inay namin habang kapiling nya ito. Ginawa nyang tagapag-alaga ang Nanay ng mga anak nyang mas bata at mas marami pa sa’min (lima kaming magka-kapatid, sampu yata yung anak nung lalaki) at pinadi-diskarte nya ito ng pera pag nau-ubusan na sila ng pang-gastos. Tapos, madalas sinasama nya si Inay sa pagbo-bote at pamamasura para may makain lang sila sa araw-araw.

Sa lahat ng pinagdaanang hirap ni Inay sa kamay ng lalaking iyon, parang naapektuhan ang pag-iisip nya dahil madalas nyang sabihin noon na mahal nya pa rin si Victor (pangalawang asawa nya) kahit na naghihirap sila kaysa sa amin dati. Tutol pa nga sya nun sa pagde-demanda namin sa aming kinasusuklamang step-father.

Nung panahong yun, naisip ko, may katotohanan nga ang kasabihang “love is blind.” Pero naniniwala ako na case to case basis naman ito.

Malalim Pero Mababaw Din si Inay

Sa buong pagsasama ng mga magulang ko, halos ma-swerte na kami kung hindi sila mag-talo sa isang araw. Parang lagi silang may naiisip na pagtalunan kaya maingay sa bahay. Minsan pa nga nag-iisip sya ng malalim habang naglalaba na nagiging halata kasi napapatulala sya at tumitigil sa pagku-kusot ng damit. Kasama na dito ang madalas na attempt ni Inay na maging career woman. Laging hadlang si Tatay at ang pag-aalaga sa amin nung kami’y bata pa kaya laging nahihinto si Inay sa mga pina-pasukan nyang trabaho. High school lang ang natapos nya pero hindi iyon naging hadlang para magsu-sumikap syang tumulong kay Tatay na mai-ahon kami sa hirap.

Pakiramdam nya siguro’y maraming nang-api sa kanya dati kaya naman may pagka-sarado ang isip ni Nanay sa mga bagong kaalaman minsan. Parang defense mechanism nya iyon kapag may kumokontra sa kanyang kaalaman at mga gawi. Napaka-ironic nga kasi sinasabi nyang matapang sya pero sa tingin naman naming magka-kapatid, medyo misplaced yung tapang na iyon dahil kapag may nag-a-away na kapitbahay sa labas ng bahay, kelangan nya pang lumabas ng gate para daw hindi sya nerbyusin.

Mahilig magsulat si Inay ng mga recipe ng mga pagkaing gusto nyang lutuin: siopao, siomay, shakoy, shamporado (champorado) atbp. May pagka-pilosopo sya. Kapag nasasabihan sya ni Tatay dati na matigas ang ulo nya ang sagot nya ay dumadagundong na: “May tao bang malambot ang ulo?”

Malalim syang mag-isip na halata sa madalas nyang pagtunganga habang nakatingin sa kawalan ng apat na sulok ng aming bahay. Mahilig din syang tumulong sa ibang tao kahit na nasa-sakripisyo ang sarili nyang pamilya. Bago nga lumala ang sakit nya, madalas syang sumulat sa Pangulong GMA sa Malacañang para tulungan yung mga kaibigan nya sa church na magka-bahay at magka-trabaho. Ngayon ko lang napagtanto na sa kanya ko pala namana itong writing skills ko.

Mababaw naman sya dahil madali lang syang patawanin at yung pagdadala ng mga pasalubong (gaya ng Dunkin Donut atbp.) na ipinagdarasal nya di umano, ay tinuturing nyang katuparan ng kanyang pangarap.

Ibang klase rin si Nanay kapag nanonood ng TV…with feelings talaga. Kapag lumalaban na ang bida sa mga nang-api sa kanya, sumisigaw yan si Nanay na parang kasali sya sa eksena. Ang script nya: “Hala bira! Sige…“ with matching sipa at kumpas ng mga kamay pa.

Madalas din nyang i-relate ang kanyang buhay sa mga dramang napapanuod sa TV, sasabayan ng kwentong-buhay nya kaya iniiwasan namin syang panuorin ng drama sa TV kasi masyado syang naa-apektuhan nito.

Kakaiba Sya

Kakaiba ang Inay namin sa lahat ng mga Nanay na nakilala ko. Ibang klase syang mag-damit kasi may sarili syang style sa pagpili ng damit na kadalasan ay wala sa uso at baduy. Parang bata rin syang mag-isip at mag-salita minsan. Kahit ngayon, mailap pa rin sya sa tao dahil iyon ang kinalakihan nya.

Hindi ma-barkada si Nanay nung bata pa sya. Sa murang edad ay naglalako na sya ng mga kakanin (halimbawa shakoy ). Doon nag-ugat ang kanyang pagiging masipag. Kahit kelan hindi sya nag-utos sa amin ng gawaing-bahay kasi sya na ang gumagawa ng mga ito.

Naging Nanay-Tatay na Ako

Mahigit kumulang walong taon ding nawala si Nanay sa’min. Sa pagkawala nya, ako ang tumayong nanay-tatay sa mga kapatid ko. Kahit na minimum wage earner lang ako dati, sinikap kong tugunan ang mga pangangailangan naming magka-kapatid sa abot ng aking makakaya.

Iniiyakan ko ang mga panahong iyon dahil madalas, halos wala na akong mabiling gamit para sa sarili ko dahil kinakain lahat ng gastos sa house budget. Nag-aaral pa ang mga kapatid kong babae (si April at Jack) sa kolehiyo nun. Yung kapatid kong lalaking si Joie naman, sinisikap ring tumulong kahit luma-lablyp na. Part-time service crew din si April sa KFC noon, na nakatulong rin sa kanyang makatapos ng kolehiyo.

Dito ko na-apply yung mga tinuro ni Tatay sa’kin dati. At na-appreciate ko na yung pagiging disiplinado nya sa amin kahit na lumalalim ang galit ko sa kanya kapag pinapalo at binabatukan nya kami noon. Naiintindihan ko na rin kung bakit nagtatalo sila ni Nanay kasi ibang klaseng mag-isip itong si Nanay—out-of-this world—kumbaga.

Madalas kong maisip nun na maaga nga akong tumanda.

Mga Tunay na Kaibigan

Nung mga panahong iyon, malaking tulong sa’kin ang mga kaibigan ko sa church dahil sa Smallgroup meeting namin ko naihi-hinga yung mga problema ko sa pamilya at kung saan ako nakakatanggap ng mga advice na galing sa prinsipyo ng Bibliya. Dito rin ako lumago sa pananampalataya ko sa Diyos, nagkaroon ng self-confidence at karunungan na ginagamit ko sa pagre-resolba ng mga isyu sa pamilya at sa trabaho.

Naging blessing-in-disguise ang pansamantalang pagkawalay ni Nanay sa’min dahil mas naging responsableng tao at Kuya ako sa aking mga kapatid.

Natutunan ko ang importansya ng pagsa-sakripisyo para sa pamilya na magpa-hanggang ngayon ay ginagawa ko pa rin. Hindi ko na iniiyakan ng mga responsibilidad ngayon kundi hinaharap ng buong tapang at abilidad sa tulong ng Diyos.

Sa Kanyang Pagbabalik

Wala pang isang taon nang magbalik si Inay, August 2007, na-biopsy sya sa breast cancer pero ayaw pa nyang magpa-opera nun. Nag-attempt sana akong bumalik sa kolehiyo nung time na iyon pero huminto ako dahil dito. Mahirap para sa pamilya naming tanggapin iyon dahil parang katatapos lang sumuong ng pamilya sa unos, tapos heto na naman.

Nung 2006, magka-sunod na na-ospital si Jack at Aniecar (bunso naming kapatid) kaya na-simut ang savings ko sa bangko.

Sa pagbabalik ni Nanay sa bahay, hindi naging madali para sa’min ang adjustment sa gawaing-bahay (hindi kasi ganun ka-abala si Nanay sa aspetong ito), pakikitungo sa kanya at pagba-budget.

Lumipas ang ilang buwan pa at nagsimulang maging aktibo si Nanay sa isang sambahang Kristiyano sa loob ng village namin. Nagkaroon ng malaking pagbabago kay Nanay kasi mas naging positive ang outlook nya sa buhay at naramdaman naming naging mas responsableng Nanay sya para sa’min. Pero nung lumaon, naging kaagaw naman namin ang church sa kanyang panahon. Gayundin, marami pa rin kaming pinagtatalunan ni Nanay na: mga isyu, old habits nya, pagba-budget, pamamaraan ng gawaing-bahay at sa kabuuan, pagde-desisyon para sa kapakanan ng pamilya.

Na-realize ko ngayon na may kasalanan din ako dito dahil masyadong akong nag-e-expect at nagde-demand sa kanya. Mataas kasi ang standard na nai-set ko para sa sarili ko na tila nai-impose ko rin sa kanya.

Matapos naming malaman ang di magandang kalagayan nya, nagagalit ako sa sarili ko sa tuwing nakikipag-talo ako kanya. Kasi dapat iniintindi ko sya at minamahal ko sya. Pero sa dami ng mga hirap na pinagdaanan naming magkakapatid sa pagkawala nya, parang hindi ko na nararamdaman na mahal ko sya at tila ginagawa ko na lang ito dahil Nanay ko sya. Pero naisip ko: “Love is not only a noun but an action word. Not merely an emotion but a decision and commitment.”

Matapos ko syang masamahan sa ilang konsultasyon nya sa St. Luke’s at asikasuhin ang coverage ng kanyang mga out- and in-patient medical processes thru our company’s health insurance, napansin ko sa sarili kong hindi lang pala ako napipilitang gawin ito kundi mas lalo akong nagmamalasakit sa Nanay ko dahil dito.

Si Jack naman ang naging kasama nya sa limang araw na confinement nya sa ospital nung ma-opera siya. Sa laki ng pinayat nya mula nang ma-detect yung breast cancer nya, parang napaka-“fragile” nya para sa’kin kaya mas “ini-ingatan” ko sya ngayon.

Mas minamahal ko si Inay.

Mabait ang Diyos

May ilang buwan na ring na-maxed out namin ang kanyang out-patient healthcard kaya ako nang tumutustos sa kanyang mga nakaraang konsultasyon at clearance tests (CBC, x-ray etc.).

Kakatapos lang ng kanyang operasyon na sinagot naman ng in-patient health card nya pero may excess sa ilang billing coverage na salary deduction na sa’kin ng kumpanya.

May mga kaibigan ding nagbigay ng financial aid from within the church and in the office (you know who you are guys, my heart-felt THANK YOU!) pati ang church office ng Victory Quezon City, nagbigay ng generous amount from benevolence fund na nakatu-tulong ngayon ng malaki para sa mga post-surgery medical expenses and consultation nya. Sa lahat ng provision, milyun-milyong pasasalamat at papuri sa Diyos!

Mga Aral na Natutunan

Masyado akong maraming iniisip nitong mga nakaraang buwan. Iniisip ko kung kelan ako mapo-promote sa trabaho at paanong magkaroon ng sideline para sa karadagang kita para sa pamilya.

Dumadagdag pa ang mga buyo ng mga kakilala’t kapit-bahay kung bakit di pa ako nag-a-asawa. Ang sagot ko sa kanila? Madaling magka-asawa’t magka-anak pero hindi madaling buhayin, pakainin at tustusan ang pag-aaral ng mga bata. Haaay! Tumatanda na naman ako dahil sa mga problema.

Sa ngayon, priority ko ang pagtulong sa aking pamilya. At lalong-lalo na kay Inay. Ibibigay at gagawin ko ang lahat para mapabilis ang kanyang pag-galing. Syempre gusto ko ring maabutan pa nya ang mga magiging apo nya sa akin at sa magiging asawa ko.

Marami na akong pinagdaanan at natutunan pero alam kong marami pang darating. At marami pa akong dapat malaman sa buhay. Ganito na ako mag-isip at humarap sa buhay ngayon…dahil hindi na ako bata.

Advertisements

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s