Isinulat ni Adrian Diente Pantonial, ika-5 ng Hulyo 2000, 1:45 ng umaga

Namumugto ang mga mata ko matapos kung maisa-kompyuter ang isang journal entryna isinulat ko halos walong taon na ang nakalilipas. Ang hirap palang halungkatin sa alaala ang mga mapapait na karanasan lalo na’t alam kong mababasa ito ng ibang tao.

Isinulat ko ito dito hindi upang i-bandera sa madla ang bahagi ng aking nakaraan kundi upang ipaalala rin sa akin na kahit ano pang nangyari sa nakalipas ko, kahit na sa kasalakuyan tila ang dami ko pang gagawin para sa aking sariling mga pangarap at para sa aking pamilya–malayo na rin ang aming narating.

Mukha ng Kahirapan

Ang mga mababasa dito ay ilang piling parte ng aking buhay na hindi man naging maganda ay naging maigi naman sa paghubog ng aking pagkatao at pananaw sa buhay–upang hindi lang ako mangarap ng gising kundi patuloy na umusad–bagamat mabagal–patungo sa katagumpayan ng aking mga pangarap.

————————————————————————————————

Magulo ang utak ko. Mas magulo pa sa nangyayaring giyera sa Mindanao. Ilang gabi na akong ganito. Hindi makatulog ng maaga kundi umaga na dahil sa dami ng iniisip—hindi na tuloy alam kung anong dapat isipin. Ang dami kong gustong gawin na hindi ko magawa. Parang may pumipigil sa aking pwersa na hindi ko alam kung ano at saan nanggagaling.

Minsan tuloy, ginugutom na lang ako sa kakaisip ng kung anu-ano. Ang problema, minsan pa, wala namang makain. `Hirap talaga nang walang trabaho. Mabuti sana kung may nag-tatapon ng grasya sa amin, pwede na sana akong tumambay at mag-liwaliw sa kung saan kaso wala.

Ilang araw na akong naghahanap ng trabaho, mag-iisang buwan na pala, wala pa ring nangyayari. Kadalasan, lumalakad ako nang walang laman ng tiyan. Ang ginagawa ko, pag may nadaraanan akong food chain, nakikiinom na lang ako sa kanilang drinking station. Sabi nga, ang tubig ay buhay.

Buhay? Ewan ko kung anong klaseng buhay mayron kami ngayon. Magkakasama nga kaming magka-kapatid, parang wala namang direksyon ang buhay namin. Aba’y napag-iiwanan na kami ng mga kababata’t kapit-bahay sa pag-unlad at pagsulong ng buhay ah!

Iniisip ko naman minsan, bakit ba ako makikipag-kumpitensya sa kanila eh, talaga naming kulelat na kami. Tingnan mo sila, maayos na ang mga buhay at bahay, kami nagti-tiyaga pa rin sa bahay na butas-butas ang bubong na sa tuwing umuulan eh, taranta kami sa paglalagay ng mga pang-sahod.

Sila, nakapagpa-tapos na ng pag-aaral sa kolehiyo, ako, siguro hanggang dito na lang, pagkatapos ng dalawang taon sa kolehiyo eh parang mas lalong naging mas kumplikado ang buhay.

Yung kapatid ko nga eh masaklap din ang sinapit ang edukasyon—high school lang ang natapos. Kawawa naman, hindi tuloy sigurado sa mga ginagawa niya sa buhay. Kung sa bagay, wala naman talagang sigurado sa buhay eh di ba?

Iniisip ko tuloy, baka magsipag-tanda na kami’t lahat eh mabubulok na lang ang buhay naming kasabay ng pagka-bulok ng kabahayang ito. Wala eh. Hungkag. Oo, hungkag nga ang tamang salita para sa uri ng buhay namin ngayon.

Tingan mo ah, beinte uno anyos na ako, kumakain pa rin kami sa sahig hanggang ngayon, walang matinong mesa at upuan. Mga damit na galing sa kung kani-kanino’t, saan-saan na sa sobrang dami ay wala nang pagsidlan, haya’t maya-maya ay nagkalat sa sahig na hinihigan.

Yung TV naman na bigay ng tiyahin ko bago mamatay ang Tatay, may “Heat Run“ pa rin sa screen—hindi pa napapaayos, mag-i-isang taon na yatang ganun yun eh. Yung radyo namin, hindi pwedeng palakasan ang volume dahil nagpu-putol-putol ang signal—laging kontrolado dapat ang pagpapatugtog. Electric fan na wala nang cover ang elesi na hindi na rin umiikot.

Makinang pantahi na kalas-kalas na ang parte ng katawan. Oven toaster na hindi magami dahil wala nang mailalagay. Wall clock na patirik-tirik. Steamer na dapat sana’y lutuan ng kakanin na ginawang plangganang hugasan ng plato. Termos na namihasa na sa malamig na tubig dahil wala namang gatas o kape na magbibigay-buhay dito.

Bintanang de-tanggal-kabit na nananawagan ng paet at turnilyo para makabit sa may kahoy. Walis tambong di na napapalitan. Ang palikurang tagpi-tagpi ng sako, mantel, yero at pira-pirasong plywood. At harding walang nag-aalaga. Kawawang-kawawang tahanan. Kawawang mga nilalang na walang ibang masilungan.

Ito. Itong bahay na ito na nagkakanlong sa aming limang magkakapatid sa paligid ng di-umano’y matinong komunidad, ang nagbu-buklod sa amin upang mamuhay ng sama-sama sa hirap at malayong hinaharap at inaasam na ginhawa.

Ang lugar na ito na kung saan binubuo at hinuhubog sa apoy at pawis ang mga pangarap na limot na ng panahon.

Ang lugar na nagisnan ang pagnanais ng bagong buhay, ang paglisan ng mga minamahal, ang pagkalason ng isipan tungkol sa realidad ng buhay at ang paghihingalo ng katinuan, maging ang pag-ahon na hanggang sa kasalukuyan ay di pa rin nababatid ang realisasyon—ang piping saksi sa lahat ng ito.

Dito. Dito magsisimula ang paglitaw ng bahag-hari sa isang bagong umaga ng ginintuang mga pangarap.

Nawa’y hindi kawalang-saysay ang mangarap ng gising…


Advertisements

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s