Ang buhay ay parang isang aklat. May awtor at may mambabasa. May kwento at kahulugan. May simula at wakas.

Ang pagtanggap ng mga katotohanan sa buhay kung minsan ay parang pagbabasa ng isang aklat na di akma sa panahon o pangangailangan nito. Dahil hindi ka pa handang tanggapin ang katotohanan, maaari mo itong labanan, talikuran o magkunwaring di ito nakaka-apekto sa iyo, sa salitang kanto o gay-speak, “dead-ma” lang.

Pwede mong gawin ang mga nabanggit na opsyon sa mga tao at sitwasyon sa buhay mo, pero minsan, hindi sila ganun kadaling takasan at kalimutan ng ganun-ganun lang. Dahil ang mga tao at pangyayari kadalasan ay malalim na nagma-marka sa iyong puso, minsan pa nga, sa buo mong pagkatao.

Sa pangkaramihan, di naman ganun katindi ang epekto sa iyo ng libro mong binabasa o nabasa. Di ganun ka-sidhi ang connection o attachment maging ng panahong ginugol mo sa isang libro kung ikukumpara sa isang tao o sitwasyon. Madalas, hindi mo naman masasabi sa aklat na “ito na” o “ito lang ang buhay ko,” pero mas madalas mo itong naiisip at nadarama, minsa’y nasasambit, patungkol sa isang tao o sitwasyon.

Kaya naman kapag naputol o nasira ang ugnayan mo sa alinman sa huli, parang guguho na ang mundo mo. Di tulad sa libro, pwede mo itong palitan ng bago o second hand (kung available pa sa bookstore) pero ang tao o sitwasyon, na minsa’y nagbigay buhay sa’yo o nagpatingkad ng iyong pananaw sa buhay, kapag nawala, di ganun kadaling ibalik o palitan.

Sa pagbabasa mas madaling mag-move on kasi pwede mong isara ang aklat, isantabi ito at basahin kung kelan mo gusto, kalimutan nang tuluyan o ipamigay ang aklat, at pwede ring sunugin ito kung gusto mo.

Ang buhay ay parang isang aklat. May awtor at may mambabasa. May kwento at kahulugan. May simula at wakas.

Kung minsan, kapag binuksan mo ang aklat sa pahinang hindi sa simula, hindi mo maiintindihan ng maayos ang kwento o saysay nito at para sa’yo ay walang kwenta. Pero ang ang lawak at lalim ng kahalagahan ng libro ay di lang nakasalalay sa may akda nito, kundi nasa mambabasa rin, dahil nasa kanya ang kapangyarihan kung sisimulan ba niya o tatapusin ang aklat na binabasa, at kung paano ito makaka-apekto sa kanyang buhay. Isasabuhay niya ba ang mga aral nito (kung mayron man) o isasantabi?

Kung susumahin, ang pagtanggap ng mga katotohanan sa buhay ay tila nga may kahalintulad sa pagbabasa ng aklat. Gaano man ka-pangit o ka-ganda ang isang chapter, may kasunod pa ring iba (kung di pa ito ang huling bahagi).

Ipagpapatuloy mo ba ang pagbabasa o iiwan mo na ito? Magpapatuloy ka bang mabuhay o aayaw ka na? Nasa iyo ang desisyon, mambabasa.

Tatanggapin mo ba ang katotohanan para maka-usad na sa kinabukasan o magpapa-iwan ka na lang sa panahon?

Minsan di natin kayang pagsabay-sabayin ang pagkakamulat sa iba’t ibang katotohanan, lalo na kung masakit ang mga ito. Minsan nama’y mamumulat lamang tayo sa ilang katotohanan kung kelan handa na tayo at hindi mabibigyan ng pagkakataon sa ibang kaalaman hanggat di pa natin nahaharap ng maayos ang kasalukuyang katotohanan.

Ang buhay ay parang isang aklat. May awtor at may mambabasa. May kwento at kahulugan. May simula at wakas.

May mangilan-ilan din akong libro sa bahay na di pa natatapos basahin, pero mas marami pa sa bilang ng libro ko ang mga naranasan kong pagkabigo at hinanakit. Sa kabila ng lahat ng ito, marami rin namang mga magagandang bagay na nangyari sa buhay ko at iyon ang madalas kong gustong bilangin at pagtuunan ng pansin.

May mga katotohanan, tao at sitwasyon din akong dapat harapin pero yung iba, pinili ko na lang iwanan at gusto nang basta na lang kalimutan, pero hindi ganun kadaling gawin.

Naniniwala akong may panahon ang lahat ng bagay at maaayos din ang ilan sa mga gusot na ito, kapag handa na ako.

Ikaw? Handa ka na ba? Kung tanggap mo na ang ilang katotohanan sa mga nabanggit ko, iwan mo na ang pagbabasa nito. Tayo nang maglakbay, mag-layag at harapin ang iba pang hamon at katotohanan ng buhay.

Siguradong mahalaga ang pagbabasa pero siguro naman, sang-ayon ka na mas masarap, kapaki-pakinabang at mapagpalaya ng puso, isip at pagkatao ang maranasan ang kabuuan ng buhay kaysa sa pagbabasa lang, di ba?

Ang buhay ay parang isang aklat. May awtor at may mambabasa. May kwento at kahulugan. May simula at wakas.

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s