Heto na naman ako. Nag-iisip kung paano sisimulan ang aking isusulat. Parang baliw. Bakit ganun? Yung mga bagay na sa tingin ko ay kaysarap isipin, namnamin ang kagandahan ng konsepto, ay tila yata kay hirap simulan. Ganito siguro talaga kahirap kapag nagsisimulang hugutin ang mga karanasan mula sa gunita…para ring paghabi ng pangarap.

Mystical Cave, Antipolo City

Matapos kong basahin ang ilang pahina ng “Pull of the Moon” ni Elizabeth Berg ay parang napatigil akong saglit. Ang mga ilang pangungusap doon ay bumaon sa aking kaluluwa. Naalala ko ang ilang mga paglalakbay na ginawa kong mag-isa bagamat kasama ang hangin, sikat ng araw at ng lahat ng kapangyarihang-likas.

Tumalon sa isip ko ang ginawa kong proyekto para sa isang College class subject. Ito yung nagpunta ako sa Valley Golf & Country Club sa Antipolo para kumuha ng mga pictures about nature.

Kalalabas ko lang nun galing sa duty ko sa Jollibee Masinag. Mga bandang 4:30 p.m. Sa gate ng Valley Golf ay sinita ako ng gwardya. Sinabi ko naman ng tapat ang dahilan ng pagpunta ko roon. Papalubog na ang araw kaya nagmamadali akong naglakad. Bawal daw pumunta sa Golf Course sabi pa ng gwardya. Mahaba at pakurba-kurba ang mga kalsada doon. Maraming matataas na damo sa ilang parte. Tahimik ang lugar. Ang sarap ng pakiramdam kasi walang masyadong tao. Manakanaka ang mga pribadong sasakyan.

Dala-dala kong nakasabit sa leeg ang camerang may film na hiram ko. Dapat walang masayang na kuha. Feeling professional photographer ako nun. Humahanap ng magandang anggulo. Dapat may buhay. Bumabagay ang liwanag ng sikat ng araw sa mga kulay ng mga tuyong damo. Naglibut-libot ako na parang turistang namamasyal.

Lumapit ako sa golf course na sinabi ng gwardya. Kinunan ko yung parang lawa sa gitna ng damuhan. Ang linaw ng tubig. Parang ang sarap paliguan. Yung kuha ko doon ay pinamagatan kong “Road to Eternity” na ngayon ay pamagat ng isang tulang ginawa ko.

Nung naging member ako ng alumni ng school, nagkasundo ang samahan na pumunta sa Mystical Cave. Ako ang naatasang mag-survey sa lugar dahil malapit daw ang bahay namin doon. Akala lang nila.

Malapit ang Aqualand Resort sa lugar na iyon kaya nagtanong na rin ako kung magkaano ang overnight stay dun sakaling magkayayaan din ang grupong mag-swimming. Dini-develop pa lang ang resort noon.

Hindi ko akalain na mahaba palang talaga ang kalsada na lalakaran ko para makarating sa mismong kweba. Mabato ang kalye at maalikabok. Natatandaan kong may mga pagkakataon nung naglalakad ako sa ilalim ng sikat ng araw na ayoko nang tumuloy dahil patang-pata na ang katawan ko at ginugutom na rin ako. May mga taga-roon na nakakasalubong ako papunta naman sa pinanggalingan kong highway. Palibhasa kasi walang pampasaherong sasakyan doon. Mga truck lang ng buhangin at graba ang nagdaraan.

Habang naglalakad ay kinakausap ko ang sarili ko. Sa ganun ay parang di na rin ako nag-iisa. Syempre, walang boses yun kundi magmu-mukha akong baliw sa mga nakaka-salubong ko. Nagtanung-tanong na lang ako ng direksyon.

Pagdating ko sa mismong site ay may malaking bato kung saan ay dapat mo raw iwan ang lahat ng hinanakit at sama ng loob para pagpasok mo sa kweba ay malinis ang kalooban mo. Pinaniniwalaan ng mga taga-roon na sagrado ang lugar. Maraming kandilang nakatirik. May pataas na sementadong daan. Sa itaas ng matarik na hagdan ay mga maliliit na turo-turo at karinderya, tindahan ng mga iba-ibang disenyo ng kandila, agimat at pangontra sa masasamang espiritu.

Sinamahan ako ng isang manong na nadala ko sa PR (public relation) skills dahil pinapasok ako ng walang entrance fee at naging tour guide ko pa sya sa loob ng Mystical Cave. Sinabi ko kasi sa kanya na marami kaming pupunta kung matutuloy ang plano. Mainit sa labas pero sa loob ng kweba ay mahamog at malamig. May mga ilaw ng incandescent bulb sa ilang parte. May mga tumutulong tubig mula sa itaas ng kweba sa ibang bahagi.

May pakiramdam ako na totoo nga ang sabi nila; sagrado ang lugar na ito. Parang lugar ng dalanginan at meditasyon. Itinuro sa akin ng mamang limot ko na ang pangalan ang mga dibuhong nabubuo ng mga stalagmite at stalactite sa mga anino nito. Natural ang dating ng iba pero yung ibang hugis, parang sinimento lang. May mga shooting na rin daw na ginawa doon sa mga pelikula at teleserye.

Maraming palapag daw ang kweba pero mula taas pailalim ang bilang. Sa ilalim daw ay madilim at matubig. Parang gusto kong pumunta doon pero mahirap daw bumaba at makabalik pa kaya inaya nya na ako palabas.

Hindi ko na matandaan kung paano ako nakabalik mula doon sa mga lugar na pinuntahan ko. Parang ang papunta lang sa mga destinasyong iyon ang mahalaga para sa akin dati. Sa alaala ko na lang uli sila pwedeng balikan dahil pareho silang malayo sa mga lugar na karaniwan kong dinaraanan.

Ang mga paglalakbay na iyon ay naka-pitak na sa aking puso. Bagay na nagawa kong tapusin mag-isa ngunit kaisa ng hiwaga ng sandaigdigan. Nakakapagpalaya ng pakiramdam. Parang pagtuklas sa sariling kakayahan at katatagan, nagpapalawak ng kaisipan, bumubusog sa kaluluwa’t pagkatao. Pagtakas ng saglit sa kaswal na daloy ng sistema at kumplikasyon ng mga problema. Paghahanap at pagkatagpo sa sarili. Pag-iipon ng kapangyarihan sa pinag-ibayong pananaw sa buhay.

Ang paglalakbay nang mag-isa ay tila importanteng bahagi ng paghabi ng pangarap.

Advertisements

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s