+In loving memory of my late Uncle, Roberto Diente Sr.+

Ilang kasalan at kaarawan din na dadaluhan ang magbibigay sa atin ng panandaliang kasiyahan ngunit hindi kailan man kayang tumbasan nito ang tindi at tagal ng hinagpis na dulot ng isang kamatayan para sa mga na-ulila.

Kaarawan, Kasalan

Kahapon, tila yata hindi nagdiwang ng kaarawan niya ang nag-i-isa kong kapatid na lalaki na si Joie dahil hindi man lang dumalaw sa bahay maghapon. Kahapon din, nakipag-isang dibdib ang pangalawang nakababatang kapatid kong babae na si Jack sa nobyo niyang si AJ sa kasalang bayan  sa munisipyo ng Antipolo.

Kaninang umaga, nagpaalam ako sa kapatid kong si April na isasama ko ang anak nyang tatlong taong gulang na si Lance para bumili ng dalawang container ng purified water sa water station sa gilid ng village namin at pagkatapos ay pupuntang bakery para bumili ng almusal na tinapay.

Kamatayan

Kagabi, nagpaalam kami ni Nanay sa mga kapatid ko na pupunta kami sa ikalawang gabing burol ni Uncle Berting, kapatid ni Nanay na yumao nung Martes ng gabi, ika-24 ng Mayo 2011.

Kung gaano katindi ang kapit ni Nanay sa kamay ko sa tuwing tumatawid sa mga kalsada kagabi, tantya ko mas matindi pa dun ang pagda-dalamhati niya sa pagkawala ng kanyang Kuya dahil sa biyahe pa lang ay umiiyak na siya sa sasakyan.

Si Uncle Berting na mahilig daw mag-surpresa, sabi ng anak niyang si Tubal, hindi nagpa-paalam na aalis ng bahay nila sa Floodway, Taytay papuntang Lavezares, Northern Samar para ayusin ang bahay na kinalakihan nilang magkakapatid at kung saan namatay ang Lolo ko; hindi rin siya nagsasabi kung kelan uuwi sa kanila mula sa probinsya.

Tuluyan na nga siyang lumisan sa mundo na wala ring paalam. Biglaan siyang inatake sa puso habang nagsi-sinsil ng simento sa labas ng bahay nila. Dahil dito, naiwan sa matinding pagkabigla at pangungulila ang kanyang pamilya na hindi na nakatulog sa unang gabi ng burol niya.

Bakit Doon Lang?

Bakit ganun sa tuwing may libing lang higit lalong nagsi-sikap magkita-kita ng mga mag-anak na Pinoy mula sa malalayong lugar? Madalas para sa karamihan, ang ibang okasyon ay di sinasadyang pinalilipas nang hindi nagkikita: kaarawan, anniversary, Pista ng Patay, Pasko, Bagong Taon, minsan pati sa kasal. Siguro dahil alam nating mas mahirap ang “mawalan” (pag may namatay) kaya gusto nating maki-ramay kaysa ang “magkaroon” (ng karagdagang edad sa kaarawan at bagong kasama sa buhay sa kasal).

Nagkita-kita kaming ilang henerasyon ng magka-kamag-anak kagabi sa burol. Nakita ko dun si Tita Susan na dati’y naririnig ko lang sa mga kwento ni Nanay. Andun rin ang mga pinsan, pamangkin at ilang apo ko sa pinsan na parang kelan lang ay mga paslit pa.

Pana-panahon ang Pagkakataon

Ang bilis lumipad ng panahon na tila hina-hangin lang sa mga pang-araw-araw na pinagkaka-abalahan. Madalas ang iba’y nawawalan na ng panahong magbulay-bulay sa kahalagahan ng buhay hanggang sa magambala tayo ng kamatayan ng mahal sa buhay.

Ngayon naiisip ko, kahit gaano pa katindi ang pagkapit natin sa buhay, isang araw mawawala sa atin ito. Kahit gaano pa kahigpit ang kapit sa kamay ko ni Nanay kagabi at ni Lance kanina lang, darating ang araw, isa sa amin ang permanenteng huhulagpos sa pag-kapit…kahit gaano man ka-sakit ang paglisan.

Paano Nasusukat Ang Ganda ng Buhay?

Napagtanto ko na ang ganda ng buhay ay hindi nasusukat sa haba kundi sa kalidad nito sa mga panahong pagbibigay ng saya o pagsa-sakripisyo para sa mahal sa buhay, ang importansya ng presensya kung kailan kailangan, pagmamahal sa mga taong nararapat mahalin na hindi naghihintay ng kapalit hanggang sa sukdulan.

Sana…sana lang, pagdating ng panahon ko, pahintulutan Niya akong lumisan sa mundo sa isang maayos at marangal na paraan. Sana…sana rin, bigyan ako ng Diyos ng pagkakataong makapag-paalam sa mga mahal ko sa buhay pagdating ng panahon.

Advertisements

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s