Panginoon, kahit na pinahihintulutan Mong dumugin ako ng mga pagsubok, pinagpala mo naman ako ng pamilya’t mga kaibigang kasama kong sumuong sa mga unos.

Yung mga gamit Nyong panghubog ng pagkatao ko, masakit at mabigat man ang karamihan dito, alam Niyo naman kung hanggang saan lang ang kakayanin ko.

Kahit dumadapa na ako sa hirap minsan. Kahit na mugto na ang mga mata ko sa kaka-luha.

Kahit minsan pa parang sasabog na ang dibdib ko sa tindi ng mga pasanin, Amang Diyos, ni minsan hindi Niyo ako iniwan.

Tiwala ako na kahit hindi Kita maramdaman minsan sa aking mga pakikibaka, sa tuwing madarapa at masusugatan naman ako, laging naroon Ka, nagmamahal…nagpapagaling…umaalalay.

Kapag sinisigaw ko ang ngalan Mo sa gitna ng kawalan, lumalim man ang gabi at lumakas man ang bagyo, tiyak namang alam Mo kung kelan Kita higit na kailangan. Ang pagtulong Mo ay lagi’t laging akma sa panahon.

Kahit na madalas parang wala Kang ginagawa, batid ko naman na yung mga pagkilos Mo at pamamaraan ay hindi abot ng aking pang-unawa.

Kahit na parang ang tagal-tagal ng paghihintay ko sa mga panalanging dinudulog ko sa’Yo, lagi Mo pa ring tinuturuan akong magtiwala lang sa’Yo.

Laksa-laksang pasakit at lahat ng takot ko at pangamba, pinapawi Mo rin naman hindi maglalaon,  ‘di ba?

Patawad po, Panginoon, sa sisidlan kong sira. Na kahit anong ilagay Mong pagpapala, minsan pakiwari ko parang dumaraan lang.  Mabilis mawala. Hindi nagtatagal. Laging parang kulang.

Hetong puso kong sira, bugbog man sa laban, buslo pa rin ng pagmamahal Mong hindi nagmamaliw at mga pangarap kong naghihintay ng katuparan.

Heto ang puso ko, Amang Diyos, minsan nagiging tila bato sa tigas, minsan parang yelo sa lamig, minsan abong naupos na. Pero dahil sa’Yo at ang pag-ibig Mong laging patnubay, patuloy akong nagmamahal pa rin, umaasa pa rin na itong aking mga mithiin, pasasaan ba’t pagdating ng panahon, ay may kahahantungan din.

Heto po, Panginoon ko, ang sisidlan kong butas. Ayusin Mo po nawa o palitan Niyo po kung kinakailangan. Para ang mga pangarap ko po ay yun lang tanging mga galing sa Inyo. Para ang mga plano ko po ay yun lang pinaka-mabuti para sa’kin, sa mga mahal ko, at mga mahal Niyo na gusto Niyong mahalin ko rin.

Patawad po, Amang Diyos, sa sisidlan kong sira. Mula po dito hanggang sa kung saan man ako dalhin ng alon ng Iyong kapamaraanan, maganap lang po nawa lahat ng Iyong kalooban.

13 thoughts on “Panalangin Sa Aking Kaarawan

  1. salat man sa kasagutan,
    tiwala andyan,
    siksik at lubos-lubusan.

    na ang:
    ang humihingi ay binibiyayaan,
    at ang nagdarasal ay pinapatnubayan.


    marami pong salamat sa Panalangin na iyong handog.

    “ang damdaming nananalangin
    kaysarap damhin,
    at lalo pa kung itoy bibigkasin…”

    …cup

    Liked by 1 person

  2. lubos-lubusan din talaga ang pagtitiwala sa ating Maylikha, takot ako kung di makaka-dalangin. Siya ang aking “Lakas-Loob” kahit saan bagay.

    Adrian, kung minsan kasi di ko mapigilan pakawalan ang aking nadarama, at ito’y idinadaan ko ng patula, lalo kung may sulatin (gaya ng iyong nagsusumamong panalangin) na talaga naman, nagpapakislap at lalong nagpapa-alab ng aking puso’t damdamin. na-iinlab ako sa mga kaisipan at mga kataga.

    Liked by 1 person

  3. isa itong totoo at nakaka-move na post.

    ang best weapon ngayon talaga ay faith.
    best asset ay lakas ng loob
    at best rival ay yung sarili.

    ano man ang mangyari maniwala ka na bukas ay iba. hindi ka lagi nasa malungkot na bahagi. Hangad ko na matupad ang iyong mga kahilingan sa iyong kaarawan.

    Happy Birthday!

    Liked by 1 person

    1. @ Hoshi – Maraming salamat sa pagbati at inspirasyon.

      Nagustuhan ko rin itong mga payo mo: “ang best weapon ngayon talaga ay faith. best asset ay lakas ng loob. at best rival ay yung sarili.” Tama ka dito.

      Mabuhay ka!

      Like

Chime in and comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s