Isinulat ni Adrian Diente Pantonial, ika-5 ng Hulyo 2000, 1:45 ng umaga

Namumugto ang mga mata ko matapos kong i-type sa computer ang isang journal entry na isinulat ko, halos walong taon na ang nakalilipas. Ang hirap palang halungkatin sa alaala ang mga mapapait na karanasan, lalo na’t alam kong mababasa ito ng ibang tao.

Isinulat ko ito dito hindi para i-bandera sa madla itong sadlak na bahagi ng aking nakaraan, kundi para ipaalala rin sa akin na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko, kahit na sa kasalakuyan tila ang dami ko pang gagawin para sa matupad ang mga pangarap ko at para sa aking pamilya – malayo na rin naman ang aming narating.

Ang mga mababasa dito ay ilang piling parte ng buhay ko na hindi man naging maganda, ay naging maigi naman sa paghubog ng aking pagkatao at pananaw sa buhay. Para hindi lang ako mangarap ng gising, kundi patuloy na umusad – bagamat mabagal – patungo sa katagumpayan ng aking mga pangarap.

Mukha ng Kahirapan
Photo by Adrian Diente Pantonial

Magulo ang utak ko. Mas magulo pa sa nangyayaring giyera sa Mindanao. Ilang gabi na akong ganito. Hindi makatulog ng maaga kundi umaga na dahil sa dami ng iniisip—hindi na tuloy alam kung anong dapat isipin. Ang dami kong gustong gawin na hindi ko magawa. Parang may pumipigil sa aking pwersa na hindi ko alam kung ano at saan nanggagaling.

Minsan tuloy, ginugutom na lang ako sa kakaisip ng kung anu-ano. Ang problema, minsan pa, wala namang makain.

`Hirap talaga nang walang trabaho. Mabuti sana kung may nagtatapon ng grasya sa amin, pwede na sana akong tumambay at mag-liwaliw sa kung saan kaso wala.

Ilang araw na akong naghahanap ng trabaho, mag-iisang buwan na pala, wala pa ring nangyayari. Kadalasan, lumalakad ako nang walang laman ng tiyan. Ang ginagawa ko, pag may nadaraanan akong food chain, nakikiinom na lang ako sa kanilang drinking station. Sabi nga, ang tubig ay buhay.

Ibang Klaseng Buhay Ito

Buhay? Ewan ko kung anong klaseng buhay mayron kami ngayon. Magkakasama nga kaming magkakapatid, parang wala namang direksyon ang buhay namin. Aba’y napag-iiwanan na kami ng mga kababata’t kapit-bahay sa pag-unlad at pagsulong ng buhay, ah!

Iniisip ko naman minsan, bakit ba ako makikipag-kumpitensya sa kanila eh, talaga naming kulelat na kami.

Tingnan mo sila, maayos na ang mga buhay at bahay, kami nagti-tiyaga pa rin sa bahay na butas-butas ang bubong na sa tuwing umuulan eh, taranta kami sa paglalagay ng mga pang-sahod.

Sila, nakapagpa-tapos na ng pag-aaral sa kolehiyo, ako, siguro hanggang dito na lang. Pagkatapos ng dalawang taon sa kolehiyo eh parang mas lalong naging mas kumplikado ang buhay.

Yung kapatid ko nga eh masaklap din ang sinapit ang edukasyon—high school lang ang natapos. Kawawa naman, hindi tuloy sigurado sa mga ginagawa niya sa buhay. Kung sa bagay, wala naman talagang sigurado sa buhay, di ba?

Buhay na Hungkag

Iniisip ko tuloy, baka magsipag-tanda na kami’t lahat eh mabubulok na lang ang buhay naming kasabay ng pagka-bulok ng kabahayang ito. Wala eh. Hungkag.

Oo, hungkag nga ang tamang salita para sa uri ng buhay namin ngayon.

Tingan mo ah, beinte uno anyos na ako, kumakain pa rin kami sa sahig hanggang ngayon. Walang matinong mesa at upuan. Mga damit na galing sa kung kani-kanino’t, saan-saan na sa sobrang dami ay wala nang pagsidlan. Haya’t maya-maya ay nagkalat sa sahig na hinihigan.

Yung TV naman na bigay ng tiyahin ko bago mamatay ang Tatay, may “Heat Run“ pa rin sa screen. Hindi pa napapaayos. Mag-i-isang taon na yatang ganun yun eh. Yung radyo namin, hindi pwedeng palakasan ang volume dahil nagpu-putol-putol ang signal—laging kontrolado dapat ang pagpapatugtog. Electric fan na wala nang cover ang elesi na hindi na rin umiikot.

Makinang pantahi na kalas-kalas na ang parte ng katawan. Oven toaster na hindi magami dahil wala nang mailalagay. Wall clock na patirik-tirik. Steamer na dapat sana’y lutuan ng kakanin na ginawang plangganang hugasan ng plato. Termos na namihasa na sa malamig na tubig dahil wala namang gatas o kape na magbibigay-buhay dito.

Bintanang de-tanggal-kabit na nananawagan ng paet at turnilyo para makabit sa may kahoy. Walis tambong di na napapalitan. Ang palikurang tagpi-tagpi ng sako, mantel, yero at pira-pirasong plywood. At harding walang nag-aalaga. Kawawang-kawawang tahanan. Kawawang mga nilalang na walang ibang masilungan.

Lugar ng Pag-asa At Pangarap

Ito. Itong bahay na ito na nagkakanlong sa aming limang magkakapatid sa paligid ng di-umano’y matinong komunidad, ang nagbu-buklod sa amin para mamuhay ng sama-sama sa hirap at malayong hinaharap at inaasam na ginhawa.

Ang lugar na ito na kung saan binubuo at hinuhubog sa apoy at pawis ang mga pangarap na limot na ng panahon.

Ang lugar na nagisnan ang pagnanais ng bagong buhay, ang paglisan ng mga minamahal, ang pagkalason ng isipan tungkol sa realidad ng buhay at ang paghihingalo ng katinuan, maging ang pag-ahon na hanggang sa kasalukuyan ay di pa rin nababatid ang realisasyon—ang piping saksi sa lahat ng ito.

Dito. Dito magsisimula ang paglitaw ng bahag-hari sa isang bagong umaga ng ginintuang mga pangarap.

Nawa’y hindi kawalang-saysay ang mangarap ng gising…

Read Part 2

8 thoughts on “Mangarap ng Gising-Part 1

  1. Grabe.. Dumugo puso ko dito. Alam ko dati pa ‘to pero pakiramdam ko kame lang. Lima din kasi kmeng magkakapatid. Mas mahirap yung sayo pero alam ko yung mga nararamdaman mo sa mga entries nang journal mo. Desperation, hopelessness, awa sa sarili pero mas higit para sa mga kapatid etc..

    Naniniwala ako na para sa mga katulad nateng nakaranas nang ganito, mas may mga higit pang bagay yung nakalaan para sa’ten. Gusto ko kung pano ka sumulat. Maganda silang lahat. 🙂

    Like

    1. Hi Red! Salamat sa’yong makabagbag damdaming comment. Ramdam ko ang iyong moral support. Dalangin ko ang pagbuti ng kalagayan ng iyong pamilya. God bless you more!

      P.S. Don’t forget to read Part 2 of this ha? 🙂

      Like

  2. Hindi ko alam ang gusto kong sabihin after kong mabasa ito. Napaka-bold, raw at nakaka-inspire. Kung ano ka na ngayon sa pinagdaanan mo before? Ang sarap mangarap ng gising. Ang dami nating pagkakatulad- at hanga ako sayong katapangan na ilahad dito sa blog mo ang buhay na meron ka. Will going to read the part 2.

    Like

      1. Tama. Tapang na hindi kailangan ng pisikal na lakas. At katapatang walang pagkukubli. Magandang araw. Kakagaling ko lang sa isang Youth camp sa Iba, Zambales..patuloy na nagpapalago sa ispiritwal na buhay.

        Like

Chime in and comment.